Mga Tala ng Aking Buhay
ni Gregoria de Jesus
Alay kay G. Jose P. Santos na siyang humiling na sulatin ko ang aking kabuhayan.
Ako'y nag-aral sa Paaralang Bayan at natapos ko ang mga unang baytang ng karunungan na katimbang ng Intermedia kung itutulad sa panahong ito. Naaalala ko pa na minsan akong nagwagi sa eksaming ibinigay ng Gobernador Heneral at ng Kura ng bayan na ipinagkaroon ko ng gantingpalang medalyang pilak na may lasong azul bilang pagkilala sa kaunti kong nalalaman. Palibhasa'y tatlo kaming magkakapatid na nagaaral na kailangang magpatuloy sa Maynila kaya minarapat kong tumigil at sumama sa isa ko pang kapatid na magasikaso ng aming kabuhayan upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang dalawa naming kapatid na lalake.
Kadalasa'y lumalabas ako ng bukid upang magpatanim o kaya'y magpaani, makipagunawaan sa aming kasama at nagsisipagtrabaho, gayon din sa pagpapasahod sa mga manggagawa ng aking ama kung linggo ng umaga, at paminsanminsan, ako'y nananahe, humahabi at lagi akong katulong ng aking ina sa bahay. Noon marahil ay mayroon na akong labingwalong taong gulang at mayroon nang pumapanhik na mga binata sa aming tahanan at dito'y kabilang si Andres Bonifacio, kasama si Ladislao Diwa at ang pinsan kong si Teodoro Plata na eskribano nang panahong yaon, nguni't wala akong nakakausap sa kanila tungkol sa suliranin ng pagibig palibhasa ang mga magulang at dalaga sa panahong yaon ay totoong maingat at ikinahihiya halos na masabing sila'y may tagahanga at katunayan ay mayroon na palang isang taong nanunuyo, si Andres Bonifacio, sa aking mga magulang ay hindi pa kami nagkakaunawaan ng mga niloloob sa pagibig at may tatlong buwan pa ang nakaraan ay naalaman kong hindi kasangayon ang aking ama sa pangingibig sa akin ni Bonifacio sa dahilang ito ay mason, at ang mga mason ng panahong yaon ay ipinalalagay ng mga matanda, sa kagagawan ng mga prayle, na masasamang tao, ay noon pa naman ako nagkakaroon ng bahagyang pagibig sa kanya.
May anim na buwan pa ay nagkaibigan na kami ng tuluyan at bagaman laban sa kalooban ng ama ko ay napahinuhod din alangalang sa malaking pagmamahal sa akin at pagtatapat ko ng katotohanan ng aming pagiibigan, kaya't bilang pagbibigay ni Andres Bonifacio sa kaugalian ng matanda ay ikinasal kami sa simbahang romano sa Binundok ng buwan ng Marso ng 1893 at ang aming naging saksing lalake ay si Restituto Javier at ang saksing babae ay ang maybahay nito na si Ginang Benita Javier.
Sumunod na linggo ay pamuli kaming ikinasal sa harap ng lahat na katipunan, sa kahilingan ng mga ito, sapagka't hindi nila pinahahalagahan ang aming kasal sa simbahang romano at ito'y ginanap din sa bahay ng aming inaamang Restituto Javier, sa daang Oroquieta noong araw, at natatandaan kong nagkaroon pa ng kaunting salusalo at sa mga panauhin ay kabilang si G. Pio Valenzuela, Santiago Turiano, Roman Basa, Marina Dizon, Josefa at Trining Rizal at halos lahat ng pamunuan ng katipunan. Nang sumapit ang gabi ng araw ding yaon ay inianib ako sa katipunan sa ilalim ng sagisag o simbolikong Lakambini, upang gampanan ko at tuparin ang kanyang banal na palatuntunan at simulain.
Nang may isang linggo na kami sa bahay ni G. Javier ay minarapat naming humanap ng sariling tahanan at kami ay nakakita sa daang Anyahan, tapat ng bisita ng San Ignacio noong araw at mula na noon ay nagsimula na akong gumawa ng boong sikap at labis na pagmamalasakit sa pagunlad at ikaayos ng lahat ng K. K. K. ng mga A. N. B. Sa katunayan ay ang lahat halos ng kagamitan ng katipunan, kagaya ng revolver, sandata, balaraw, timbre at lahat ng kasulatan at kalihiman ay nasa aking pagiingat sapagka't sa aming tahanan nakatira ang Kalihim na Emilio Jacinto ng mga panahong yaon kaya't siya ang namamahala sa naging limbagan ng katipunan, siya rin ang unang lumilimbag ng mga palatuntunan at sampung aral na munukala nilang dalawang parang magkapatid na Andres at Emilio Jacinto, kaya sila rin ang namumudmod sa mga balangay ng mga panahong yaon.
Si Andres ang unang sumulat ng palatuntunan at sampung utos at saka pa lamang si Emilio Jacinto kaya masasabing ito'y munukalang tunay ni Andres, nguni't dahil sa kanyang pagmamahal at pagbibigay kay Emilio Jacinto ay ang Kartilyang sinulat nito ang siya nilang pinairal at ginamit ng mga katipunan. Ang orihinal na sampung utos na sinulat ni Andres Bonifacio at hindi pa nahahayag hanggang ngayon ay nasa pagiingat ni G. Pepe Santos na anak ni Don Panyong Santos.
Noong mga panahong yaon ay lubhang mapanganib ang aming kalagayan at palibhasa'y ang mga anak ng bayan ay inip na sa kanyang pagkagapos ay bumalikwas at nagkaisa na tulad sa isang tao lamang ang lahat kaya't biglang lumaganap ang K. K. K. at gabi gabi ay puno halos ang aming tahanan ng mga taong duminig sa tinig ng inang bayan at dito'y kabilang ang tatlong mag-aama na Enrique Pacheco, Cipriano Pacheco, Alfonso Pacheco, Tomas Remigio, Francisco Carreon na pawang kaanib sa Kataastaasang Sanggunian ng katipunan at mga tao rin namang kasama sa unang sigaw ng Katipunan, ay halos ang lahat ay madalas na inuumaga sa pagganap ng tinatawag na "juramento" o panunumpa.
Minsan o makalawa isang buwan ay nagkakaroon ng "junta" ang mga punong tagapagpaganap, dahil dito'y lalong nagkaroon ng maraming gawain ang limbagang pinamamahalaan ng Kalihim na Emilio Jacinto kaya't kinailangan na niya ang pamamahala sa boong maghapon at noon ay ang dinadamit ko halos ay ang mga kasulatan na lubhang mapanganib ingatan ng panahong taon at labis nang banggitin pa dito kung saan ako ihahantong ng kapalaran kung madakip sa aking pagiingat at gayon din naman sa mga taong nakatala sa kasulatang yaon na pawang anak ng Pilipinas na umiibig sa kalayaan, sapagka't may mga pangyayaring sa pamamagitan lamang ng suplong ay maraming buhay ang napuputi.
Madalas na kung may dumarating na pahatid sabi na sasalakayin ng mga Veterana ang tahanan ay kahit anong oras ay agad kung iipunin ang mga papeles, armas at timbre at sa isang iglap ay patatawag ako ng kiles na hindi ko makuha ang kumain halos sapagkat kadalasang mangyari ito'y katanghalian at a las 8 ng gabi at inaabot ako ng hatinggabi sa lansangan sakay ng kiles, nalilibot ang baybayin ng Tundo at mga lansangan ng Binundok upang mailigtas ko lamang ang mapanganib na lagay ng taong bayan. Nguni't ang dinaramdam ko lamang na madalas na ako'y napatutulong sa ilang kapatid na inaasahan kong magmamalasakit ay hindi naman tumutulong sapagkat kapag naalaman ang taglay ko ay mga bagay na totoong mapanganib ng panahong yaon ay pinakaiilagilagan ako.
Ang pinakatelepono ng panahong yaon ay mga tao rin kaya alam ko agad kung tahimik saka pa lamang ako uuwi ng bahay at mananahimik ng kaunti. Lumakad ang panahon ng dumating ang mahigit na isang taon at ako'y nagdalang tao na. Inilipat muna ako ni Andres Bonifacio sa piling ng aking mga magulang sa lugar ng aking sinilangan at dito ko rin inilual sa maliwanag ang panganay naming anak na lalake na nagtataglay ng pangalang Andres Bonifacio rin at ang kanyang inaama sa binyag ay si G. Pio Valenzuela. Nang makaraan ang dalawang buwan ay muli na naman akong lumapit sa Maynila at di naglipat taon at kami'y nasunugan ng malaki sa Dulong Bayan, na nangyari ng araw ng Huebes Santo kaya't labis ang aming kaligaligan. Nagkalipatlipat kami ng bahay hanggang sumapit ang malungkot na sandaling bawian ng buhay ang aming anak sa tahanan ni G. Pio Valenzuela, daang Lavezares, Binundok. Dito nagpasimula ang aming pagsasama hanggang lumipat kami sa daang Magdalena, Troso. Noon ay mahigpit na ang pagtugaygay ng pamahalaang kastila sa katipunan.
Sapagka't kalat na halos sa lahat ng sulok ng Kapuluang Pilipinas kaya't ng nahuli na ang ibang kalihiman ng katipunan, noon di'y umuwi kami dito sa Kalookan. Sapagka't mahigpit ng totoo ang pagtugaygay sa amin ng pamahalaang Kastila kaya mga ilang araw lamang, ang karamihan sa mga lalaki ay lumabas na ng Bayan pati ni Andres Bonifacio. Iyan nga ang unang sigaw ng kalayaan na naganap ng ika 25 ng Agosto ng 1896. Samantalang ako'y nasa piling ng aking mga magulang, sa tulong ng mga kapatid ay naalaman kong ako man ay huhulihin na rin kaya't noon din ay tumakas ako ng may ika 11 ng gabi at ang tangka ko'y bumalik ng Maynila nguni't kailangan ko ang magkanlong, kaya't minarapat kong tahakin ang kabukiran, tuloy sa Loma. Noon ay para akong isang katatakutan pagka't lahat ng akyatin kong bahay upang magparaan muna ng oras ay ipinagtatabuyan ako at mamamatay wari sila sa takot.
Noo'y naghihinanakit ako. Nguni't ng mabalitaan kong lahat ng aking inakyat na bahay ay pinaghuli, ang mga tao ay pinahirapan at ang iba ay itinapon kung saan saan lupalop at noon hinuli ang isa kong amain na namatay sa tapunan na ang tanging kasalanan ay dahil sa pagpasok ko lamang ng tahanan niya ng gabing yaon upang humalik ng kamay. Noon din ay hinuli ang aking ama at dalawang kapatid na lalake. Sa di kawasa'y nakarating ako sa Liko, ngayo'y Solis ng a las 4 ng umaga, sa bahay ng aking amaing G. Simplicio de Jesus, eskultor, at ng makaraan ng limang oras ay ako'y umalis din doon sapagka't malapit sa Kuartel ng Veterana, lumulan ako ng isang karomata upang humanap ng bahay na walang panganib at ako nama'y nakakita sa daang Clavel kaya doon ako tumirang kasama ng aking hipag na si Espiridiona Bonifacio at dito'y nagkanlong ako sa pangalang Manuela Gonzaga na tumagal ng isang buwan at dahil din sa tinig ng Inang Bayan, at ako'y isang tunay na katipunan.
Lumabas ako ng Bundok ng ika 1 ng Nobiembre, 1896, at doon ako sinalubong ni Andres Bonifacio sa San Francisco del Monte. Nagtuloy kami sa lugar ng makasaysayang Balara, pook na pinag-realan ng mga anak ng bayan, pagitan ng bayang Kalookan at Marikina at doon din kami nagsipanggaling bago pumasok ng lalawigang Kabite.
Ang ikalawa kong naging kaisang puso ay si Julio Nakpil. Kami ay ikinasal ng ika 10 ng Disiembre ng 1898. Siya ay naging kalihim ni Andres Bonifacio at siya ang iniwang tagapatnugot ng lahat ng tropa sa dako ng hilagaan at sila ang nagtapos ng pakikilaban sa Montalban at San Mateo, kaya ng siya ay humantong sa Pasig ay dito kami nagkatagpong muli at nagkasintahan at ang aming pagiisang puso ay ginanap sa matandang simbahan sa Quiapo ng mga katoliko at ng magkaroon ng Paz o Kapayapaan ang Revolucion Filipina ay pumisan kami sa tahanan ni Dr. Ariston Bautista, kilalang pilantropo, sa piling ng kanyang asawang Petrona Nakpil, kasama-sama rin ang aking bienan, mga hipag, bayaw at kami ay nagsamasamang parang tunay na magkakapatid na isang tiyan lamang ang pinagbuhatan. Ako'y may anak na walo sa nasabing pangalawang asawa: dalawa ang patay, Juana at Lucia, ang anim ay buhay, Juan F. Nakpil, Julia Nakpil, Francisca Nakpil, Josefina Nakpil, Mercedes Nakpil, Caridad Nakpil. Ang lahat ng iya'y halos si Dr. Ariston Bautista ang nagpaaral at nagpatapos sa anak kung lalaki. Ako'y inaring parang tunay na anak at kapatid hanggang siya'y tawagin sa sinapupunan ni Bathala.
Tungkol sa sigalot ni Bonifacio at ni Aguinaldo na nagmula sa idinaos na magulong halalan sa Teheros, pati ng pag-uusig at katampalasanang ginawa ng mga kabig na pinamumunuan ni Aguinaldo sa aming magaanak na niwakasan sa pagpatay kay Andres Bonifacio ay hindi ko na isinaysay dito at iya'y mababasa sa kasulatang ipinadala ko kay Emilio Jacinto na ibinabalita sa akin ng Gral. Cipriano Pacheco na ngayon ay na sa kay G. Jose P. Santos, 22 at upang maipagpatuloy pa ang aking buong nalalaman sa nasabing katipunan ay minarapat kong pagtiyagaan at ng maunawaan ng lahat na ako ang unang nagtraducir o nagsalin ng aktang "alfabeto" na ipinadala sa akin sa Pasig ni Emilio Jacinto, kasama ang kanyang kapirasong buto sa hita noong siya'y tamaan ng bala sa pakikilaban sa Nagkarlang, sakop ng Laguna ng panahong yaon. Ako naman ay nasa bayang Pasig, lalawigan ngayon ng Rizal. Kaya doon ko rin ginawa o isinalin ang nasabing "alfabeto" o akta ng Katipunan.
Gaya rin naman ng unang Limbagan, revolver, sandata, balaraw, timbre at lahat ng kagamitan ay bili ng mataas na sanggunian, nguni't ang ibang handog nina GG. Francisco Castillo at Valeriano, mga taong may malaking damdamin, marunong mag-adiya sa bayang tinubuan, may mahabang hangarin. Kaya't kapagkarakang malaman ang nilalayon ng katipunan ay bumili agad ng malaking limbagan upang sa madaling panahon ay makayari agad ng maraming Kartilya, periodiko at mga palatuntunan, kaya noong huli'y pinagtulungtulungan nina Emilio Jacinto, Aguedo del Rosario, Alejandro Santiago, Cipriano at Marciano na taga-Pulo, Bulakan, at ang tagapamahagi at tagalakad ay sina Macario Sakay, at iba pang panguluhan. Ang palagay ng ibang siya'y masamang taong naging tulisan ay ewan ng huli, sapagka't nakita ko naman na may malaking ginawang tulong sa Katipunan. Si Macario Sakay ay tunay na makabayan at di ko akalain na ang maging hantungan ay ang bibitayan.
Ilang mahalagang bagay na aking napagdanasan sa panahon ng himagsikan ay itong sumusunod: Nang ako'y kasama ng mga kawal ng naghihimagsik sa parang ng digmaan ay wala akong pangiming sumuong sa anomang kahirapan at sa kamatayan man, sapagka't wala akong nais ng panahong yaon kundi ang mawagayway ang bandila ng kasarinlan ng Pilipinas, at palibhasa'y kasama ako at sumaksi sa maraming laban, kaya't kabilang din akong isa sa mga kawal at upang maging ganap na kawal, ako'y nagsanay ng pagsakay sa kabayo at nag-aral na mamaril at humawak ng ilang uri ng sandata na nagamit ko rin naman sa maraming pagkakataon. Napagdanasan ko rin naman ang matulog sa lupa ng walang kinakain sa boong maghapon, uminom sa mga labok ng maruming tubig o kaya'y katas ng isang uri ng baging sa bundok na tutoong mapakla na nagiging masarap din dahil sa matinding uhaw. Anopa't sa gulang kong tinataglay noon kung pagbabalikan kung alalahanin ngayon, ako sa sarili'y nagtataka kung papano ko natawid ang kabuhayang yaon at kung bakit ako buhay pa sa gitna ng mahigpit na pag-uusig sa akin ng panahong yaon.
Ang natatandaan kong kaparusahan sa hindi sumusunod ng mga ipinaguutos ng katipunan, gaya ng mangbabae, ay ipatatawag kapagkarakang maunawaan sa halip na siya'y bigyan ng kaparusahan ay agad siyang babasahan ng dapat pagpitaganan ang isang babae, gaya rin ng pagpipitagan sa sarili na ang sinasabing pangaral ay ganito: "Kung hindi mo gustong lapastanganin ang iyong Ina, asawa at kapatid ay nararapat na pakaingatan mo na gawin mo sa iba ito pagka't sa ganyang kaapihan ay maaari mong ipalit ang tatlo mang buhay. Kaya't isaisip tuwina na ang masama sa iyo ay hindi dapat gawin kailanman sa iba at sa paraang iyan ay isa kayong marangal na maibibilang na anak ng bayan".
Tungkol sa suliraning pagsusugal ay ang marapatan ng tagausig balangay at mapatotohanang nagkasala, siya'y lalapatan ng hatol na siya'y ihihiwalay hangga't di nagbabago ng kanyang kaugalian. Lahat naman ng mga nagsitanggap ng aral at saka ang mga naparusahan ay pawang nangagsibago naman ng ugali.
Sa kahilingan ni G. Jose P. Santos na siyang pinaghahandugan ko ng kasaysayang ito ng aking buhay ay itinala ko sa ibaba ang sampung tagubilin o aral sa mga kabataang kinabibilangan niya na siyang pangwakas nito:
1. Igalang at mahalin ang magulang pagka't ito ang pangalawang Dios sa lupa.
2. Alalahanin tuwina ang mga banal na aral ng mga bayani na nasawi dahil sa pag-ibig sa bayan.
3. Huwag magaksaya ng panahon ng di pamarisan.
4. Pagsikapang magkaroon ng anomang karunungan na tumutugon sa kanyang hilig upang pakinabangan ng bayan.
5. Ang kabaitan ay alalahaning isang malaking kayamanan.
6. Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagka't kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao.
7. Iligtas ang api sa panganib.
8. Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag.
9. Kapag napagingatan ang kasamaan ay doon manggagaling ang malaking karangalan.
10. Sikapin ang ikapagkakaisa ng lahat at ikauunlad ng bayan upang huwag magkaroon ng sagabal ang kasarinlan.
Tinapos ko rito ang maikling tala ng aking buhay na sinulat ko sa mga sandali ng aking ganap na katahimikan, nagiisang binubulay at pinagaralan at sinuri ang mga nakaraan kaya't lahat ng nakatala rito ay siyang mga wagas na katotohanan.
Lagda ni Gregoria de Jesus
Kalookan, Rizal
5 Nobiembre 1928