Sabado, Mayo 9, 2009

TULA: Magmula, Giliw, Nang Ika'y Pumanaw

MAGMULA, GILIW, NANG IKA'Y PUMANAW
Gregoria de Jesus

Magmula, giliw, nang ikaw ay pumanaw, 
Katawan at puso ko'y walang paglagyan;
Lakad ng dugo sa ugat ay madalang, 
Lalo't magunita ang iyong palayaw.

Lubhang malabis ang aking pagdaramdam
Sa biglang paggayak mo't ako'y panawan, 
Alaala ko sa 'yong pagdaraanan, 
At gayundin naman sa iyong katawan.

Na baka sakaling ikaw ay kapusin, 
Lumipas sa iyo oras ng pagkain;
Sakit na mabigat baka ka sumpungin
Na lagi mo na lamang sa aki'y daing.

Saan patutungo yaring kalagayan, 
Dalamhating lubos liit ng katawan, 
Magsaya't kumain hindi mapalagay, 
Maupo't tumindig, alaala'y ikaw.

Kalakip ang wikang "magtiis, katawan, 
Di pa nalulubos sa iyo ang layaw, 
Bagong lalaganap ang kaginhawaan
Ay biglang nag-isip na ikaw ay iwan."

At kung gumabi na, banig ay ihiga, 
Matang nag-aantok pipikit na bigla, 
Sa pagkahimbing panaginip ka, sinta
Sabay balong nang di mapigil na luha.

Sa pagkaumaga, marahang titindig, 
Tutop ng kamay yaring pusong masakit, 
Tuloy na dungawan, kasabay ang silip, 
Sa paroonan mong hirap ay mahigpit.

Matapos sumilip, pagdaka'y lalabas, 
Sa dulang kakanan at agad haharap;
Ang iyong luklukan kung aking mamalas, 
Dibdib ko'y puputok, paghinga'y banayad.

Sama ng loob ko'y sa aking mag-isa, 
Di maipahayag sa mga kasama;
Puso ko ay lubos na pinagdurusa, 
Tamis na bilin mo'y "magtiis ka, sinta."

Sa akin ay mahigpit mong tagubilin, 
Saya'y hanapin at ang puso'y aliwin;
Naganap sumandali'y biglang titigil, 
Alaala ka kung ano ang narating.

Mukha'y itutungo, luha'y papatak, 
Katawan pipihit, lakad ay banayad;
Pagpasok sa silid, marahang gagayak
Barong gagamitin sa aking paglakad.

Lilimutin mo yaring kahabag-habag, 
Puhunang buhay, tatawirin ang dagat;
Pag-alis ay sakit, paroon sa hirap, 
Masayang palad mo sa huli ang sikat.

Ako ay lalakad, usok ang katulad;
Pagtaas ng puti, agiw ang kapalad;
Ang bilin ko lamang, tandaan mo, liyag, 
Kalihiman natin, huwag ihahayag.

Tangi ka sa puso, giliw, ikaw lamang, 
Paalam sa iyo, masarap magmahal, 
May-ari ng puso't kabyak ng katawan, 
Paalam, giliw ko, sa iyo'y paalam.

Masayang sa iyo'y aking isasangla
Ang sutlang pamahid sa mata ng luha, 
Kung kapusing palad, buhay ma'y mawala, 
Bangkay man ako'y haharap sa 'yong kusa.