KABABAIHAN: LABANAN ANG KAGUTUMAN, KALAMIDAD, AT KARAHASAN!
WAKASAN ANG KORAP AT KONTRA MAHIRAP NA GOBYERNO!
KINOKONDENA ng Oriang ang sadyang pag-abandona ng gobyerno sa tungkulin nito sa mamamayan.
Una. Sa 2025 Budget, klarong ipinakita ng gobyerno ang kawalang malasakit nito sa mamamayan. Pinaliit nito ang kulang na ngang pondo para sa serbisyong panlipunan. Kinabigan na nga ng P90 bilyong piso ang Philhealth noong 2024 ay zero pa ang ibinigay na pondo para sa taong 2025. Ngayon pa lang damang-dama na ng mga naospital ang kawalan ng pondo sa mga opisina ng social service ng ospital. Ituturo ka sa mga pulitiko upang doon humingi ng GL o guarantee letter upang mabawasan ang iyong bayarin. Maliit ang ibinigay na pondo para sa edukasyon.
Ikalawa. Ang programang 4PH para sa pabahay ay negosyo pala ng gubyerno at builders hindi pabahay para sa maralita.
Ikatlo. Patuloy na tumataas ang bill sa kuryente at tubig dahil ang mga ito'y dating serbisyo publiko pero ipinaasa sa mga malalaking kapitalista na ginawang negosyong pinagtutubuan ng malaki.
Ikaapat. Nagpapatuloy at lumalala ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin laluna ang pagkain dahil hindi sinusuportahan ng gubyerno ang lokal na agrikultural na produksyon. Mas pinili ng gubyerno na mag-import ng mga produktong agrikultural kasama na ang mga isda. Dahilan upang ang mga magsasaka ay mangalugi sa kanilang pagtatanim. Kamakailan lamang ay pinayagan ng Korte Suprema ang mga malalaking negosyanteng mangingisda na pumasok sa 15 kilometro dagat mula sa pampang na aagaw sa pangisdaan ng maliliit na mangingisda. Pagkasira ng bahurang itlugan ng mga isda at kagutuman ang magiging dulo sa kapasyahang ito ng korte.
Ikalima. Kahit may mga batas para sa Universal Health Care (UHC) at sa Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH), mataas pa rin ang bilang ng mga kababaihang namamatay sa kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak. Dahil nga ninanakaw ng mga nasa itaas ng gubyerno ang pondong nakalaan para sa UHC. Dagdag pa rito ang kabagalan sa implementasyon ng comprehensive sexuality education (CSE) na malaking tulong sana sa pagpapababa naman ng kaso ng mga batang ina.
Ikaanim. Hanggang ngayon ay hindi pa kinikilala ng gubyerno at di nabibigyan ng tamang polisiya at kabayaran ang trabahong bahay o care work ng mga miembro ng pamilya. Ayon sa pag-aaral, ang gawaing pagkalinga sa mga miembro ng pamilya ay aabot sa 37% ng gross domestic product o kabuuang halaga na bunga ng pagtatrabaho ng lahat sa loob ng bansa.
Ikapito. Hanggang ngayon, walang matinong programa sa pagpapaunlad ng industriya at agrikultura ang gubyerno. Na sana ay magluluwal ng matitinong trabaho na magpapaunlad sa ating bayan upang huwag nang humanap ng trabaho sa ibang bansa ang ating mga kababayan ang ekonomya na may kakayahang magbigay ng nakabubuhay na sweldo sa ating mga manggagawa.
Ikawalo. Ngayon, naging pandemic na ang kontraktwalisasyon. Ang pagtatrabaho nang di regular, anumang oras ay pwedeng matanggal, maliit ang sweldo at benepisyo. Higit na apektado ang kababaihan dahil 55% ng manggagawa ay babae.
Ikasiyam. Ang mga pinuno ng bansa ay utak-magnanakaw. P125 milyon ang confidential fund na iligal na ibinigay ni Marcos mula sa confidential fund nito. Winaldas ni Sara ang P125 milyon sa loob ng 11 araw. Walang matinong paliwanag. Ganundin ang P600 milyon na pondo ng DepEd sa ilalim ni Sara. Nawaldas din. Walang matinong paliwanag. Kamakailan, nadiskubre na noong 2023-2024 ay may nakalaang P200 milyon para sa voucher students ng DepEd, marami sa mga ito ay mga ghost students o di totoong mag-aaral. Ayon sa mga dokumento, ang pera ay tinanggap ng mga taong ang mga pangalan ay kasintunog ng mga sitsirya gaya ng Piattos, Oishi, at iba pa. Halatang ibinulsa ang lahat ng pondo. Gayundin, ang gubyernong Marcos kasabwat ang kanyang pinsan na si Romualdez, lider ng kamara, ay nagkasundo sa pamamagitan ng batas GAA o General Appropriations Act noong 2023 na kunan ng pondo ang mga ahensya ng gubyerno na may sobrang pondo kabilang ang PhilHealth. Kaya napilipit nila ang kamay ng mga opisyal ng PhilHealth na magbigay ng halos P90 bilyong piso sa Treasury o kaban ng bansa para daw gastusin sa konstraksyon ng tulay. Lumilitaw na ang tulay na iyon ay mayroon nang nakalaang pondo, at ang konstraksyon ay hindi pa nagsisimula. Saan napunta ang pera ng PhilHealth? Na dapat sana ay ginagamit ng mga nag-aagaw-buhay sa mga ospital ng gubyerno para maisalba ang kanilang buhay!
At itong 2025 Budget, ang mga binawas sa pondo ng kalusugan, zero PhilHealth fund, binawas sa pondo ng edukasyon at iba pang serbisyo publiko ay dinala sa Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIPP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP). Lahat ng iyan, sa halip na ipagbawal na ipamahagi sa panahon ng kampanya, ayon sa COMELEC ay pwedeng ipamahagi hanggang Mayo 2, 2025. Bilyon-bilyong halaga ang libreng perang pangkampanya ng mga nasa poder. Habang natutuwa ang mga kababayan natin sa kakarampot na ayuda, ang mas nakikinabang ay ang mga trapo at dinastiyang namumudmod nito sapagkat mas malaki ang kanilang pakinabang sa pera ng bayan. At dahil sa nakaw na perang iyan ay muli silang uupo sa pwesto upang magnakaw pang muli. Ginawa na nilang ligal ang pagnanakaw sa pamamagitan ng General Appropriations Law.
Sa lahat ng mga problemang nabanggit, kababaihan ang mas nakakadama at mas nahihirapan. Pahirap sa kababaihan ang gubyerno ng mga trapo at dinastiya. Panahon nang sinulan ang pagpupundar ng gubyerno ng masa na tutugon sa kapakanan ng kababaihan.#
Oriang
Marso 8, 2025